Sumampa na sa 30 katao ang bilang ng nasawi dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Egay, Falcon at Habagat sa bansa ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa mga namatay, apat lamang ang kumpirmado, habang 26 na iba pa ang kasalukuyang isinasailalim sa validation.
Nadagdagan din ang bilang ng napaulat na nasugatan sa 171 habang nasa 10 indibidwal pa ang nawawala.
Lumampas na rin sa 4.5 milyon ang bilang ng mga naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Batay sa pinakahuling situation report, sinabi ng NDRRMC na ang Bagyong Egay, Falcon at habagat ay nakaapekto sa kabuuang 4,534,351 indibidwal 1,204,000 pamilya sa 5,346 na barangay sa buong bansa.
Nakapagtala rin ang ahensya ng 125,739 displaced individuals sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa (Mindoro Oriental and Occidental, Marinduque, Romblon, at Palawan), Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) at Western Visayas.
May kabuuang 32,081 ang nasa mga evacuation centers habang ang iba pa na nasa 93,658 ay nanunuluyan pansamantala sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.