-- Advertisements --

Pumalo na sa 150 ang napaulat na nasawi sa pananalasa ng nagdaang bagyong Kristine at bagyong Leon base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 31.

Ayon sa ahensiya, karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pananalasa ng bagyong Kristine na itinuturing na deadliest at mapaminsalang bagyo na tumama sa bansa ngayong taon.

Sa Batangas na isa sa pinakamatinding sinalanta ng bagyong Kristine, nasa 59 ang namatay karamihan dahil sa landslide dulot ng mga pag-ulan. Nitong Huwebes, bagamat humupa na ang mga baha sa probinsiya, mayroon pa ring 3,000 pamilya o katumbas ng 11,000 indibidwal ang nananatili sa 70 evacuation centers doon.

Nagsagawa na rin ng preemptive evacuation sa mga residente sa mga bayan ng Agoncillo, San Luis, Alitagtag gayundin sa Lipa City dahil sa inaasahang epekto naman ng bagyong Leon.

Nakapagtala din ang ahensiya ng 115 katao na nasugatan sa pinagsamang epekto ng 2 bagyo habang may 29 na indibidwal ang nananatiling nawawala.

Sa kabuuan, nananatili pa rin ang daan-daang pamilya sa mga evacuation shelter sa iba’t ibang lugar sa bansa at nasa 1.892 milyong pamilya ang naapektuhan na ng hagupit ng 2 bagyo sa 81 probinsiya.