Umakyat pa sa 4 ang kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa paputok at ligaw na bala noong holiday season.
Sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong linggo, 3 sa nasawi ay dahil sa paputok at 1 mula sa ligaw na bala.
Ang isang nadagdag na nasawi dahil sa paputok ay isang 54 anyos na lalaki mula sa Region 4A. Nagtamo ito ng matinding pinsala sa kaniyang kaliwang kamay matapos sumabog ang paputok na kwitis.
Bukod dito, may 36 na bagong kaso ng fireworks-related injuries ang naitala noong bisperas ng Bagong Taon, habang 10 kaso naman ang dumagdag noong Enero 1, 2025, at 15 na kaso sa mga nakaraang araw. Sa kabuuan, umabot na sa 832 ang bilang ng mga kaso kahapon, Jan. 5, 2025. Ito ay mas mataas ng 37% kumpara sa naitalang 606 noong Jan. 5, 2024
Pangunahing sanhi ng mga naitalang pinsala ay dahil sa mga paputok na Kwitis, 5-star, at boga na nagdulot ng pagkasunog ng balat at mga malubhang kaso ng amputation o pagputol ng bahagi ng katawan.
Nananatili pa rin ang mga kabataan at menor de edad bilang pangunahing biktima ng mga paputok.