Lumobo pa sa 37 ang bilang ng mga nasawi matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses sa limang mga rehiyon sa bansa.
Batay sa pinakahuling datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kumpirmadong nagkaroon ng mga casualty sa apat na rehiyon – 20 sa Cagayan Valley, anim sa Calabarzon, lima sa Bicol, at anim sa Cordillera Administrative Region.
Nananatili namang 15 ang numero ng mga pinaghahanap pa ring indibidwal, samantalang 22 naman ang sugatan matapos ang paghagupit ng naturang sama ng panahon.
Una nang nagdeklara ng state of calamity ang ilang mga lugar, tulad ng mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, at Aurora, lungsod ng Marikina, at bayan ng Real, Quezon.
Samantala, pumalo pa sa 1,110,910 indibidwal o 285,978 pamilya ang bilang ng mga naapektuhan ng bagyo, na nagmula sa Regions I, II, III, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, NCR, at CAR.
Sa naturang bilang, 306,340 katao o 80,858 pamilya ang pansamantalang nananatili sa halos 3,000 mga evacuation centers.