Pumalo pa sa 14 ang napaulat na patay habang nasa 403 ang sugatan at dalawang nawawala kasunod ng pagyanig ng magnitude 6.6 at 6.5 earthquake sa ilang bahagi ng Mindanao nitong Martes at Huwebes.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nagmula ang mga casualties sa Northern Mindanao, Davao del Sur, SOCCSKSARGEN, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa Davao del Sur, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jessie Riel Parba; Benita B. Saban; at Romulo Naraga; habang sa South Cotabato naman ay ang 66-anyos na si Nestor Narciso.
Ang mga namatay naman sa Cotabato ay sina Samuel Linao; Renee Corpuz; Marichelle Morla; Patricio Lumayon; Pao Zailon Abdulah; Isidro Gomez; Cesar Bangot; Romel Galicia; Precilla Verona; at Juve Gabriel Jauod.
Samantala, may 14 kataong sugatan na na-record sa Northern Mindanao; 16 sa Davao del Sur; 372 sa Region 12; at isa sa BARMM.
Natukoy naman ang nawawalang mga indibidwal sa Davao del Sur na sina Gilbert Suprales at Miggy Attic.
Sa kabilang dako, lumobo pa sa 2,817 ang kabuuang bilang ng mga pinsala sa imprastraktura mula sa orihinal na 2,704.