Umakyat sa tatlo ang bilang ng mga nasawi sa banggaan ng dalawang foreign vessels sa may isla ng Corregidor noong gabi ng Biyernes, Abril 28.
Ito ay matapos masawi ang isa sa mga nasagip na tripulante habang ginagamot sa isang ospital.
Una nang narekober ng tauhan ng PCG ang bangkay ng isang tripulanteng Chinese noong Sabado habang nasawi naman ang isang Pinoy na safety officer habang nilalapatan ng lunas sa isang pagamutan sa Bataan.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Rear Admiral Armand Balilo, dalawa pa ang nananatiling nawawala habang 15 ang nailigtas matapos bumangga ang MV Hong Hai dredger na isang Sierra Leone-flagged vessel sa MT Petite Soeur oil tanker.
Nagpapatuloy aniya ang rescue operation sa nawawalang mga tripulante na posibleng nasa loob pa umano ng barkong MV Hong Hai matapos lumubog nang patiwarik.
Habang ang oil tanker naman ay dinala na sa may Mariveles, Bataan.
Ang kapitan naman ng chemical tanker ay nakikipagtulungan sa imbestigasyon at nasa lugar na rin ang marine casualty investigation para matukoy ang ugat ng insidente.
Ipinunto ni Balilo na malalaman sa imbestigasyon kung ang dalawang sasakyang pandagat ay sumunod sa kanilang traffic routing scheme na mahalaga aniya upang maiwasan sana ang banggaan.
Ang lumubog na MV Hong Hai ay mayroong 16 na Chinese at apat na Filipino crew members habang wala namang mga napaulat na casualty o injuries sa 21 crew member ng Petite Soeur.
Ayon kay Balilo, base sa salaysay ng kapitan ng Petite Soeur, tumama ang chemical tanker sa likurang bahagi ng dredger
Kayat ayon kay Balilo kanilang tinitignan ang anggulo kung nagkaroon ng pag-overtake ang lumubog na barko.
Pagtitiyak din ni Balilo na walang inaasahang oil spill mula sa lumubog na dredger dahil ito ay gumagamit lamang ng gasolina o diesel.