Sumampa na sa 546 ang naitalang nasawi dahil sa dengue ngayong 2024 base sa datos mula sa Department of Health (DOH).
Ito ay katumbas ng case fatality rate na 0.26%, mas mababa kung ikukumpara sa 0.39% noong nakalipas na taon.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, ang mas mababang bilang ng nasawi sa dengue ay maaaring dahil sa pinahusay na pangangasiwa sa mga kaso sa mga ospital.
Samantala, mula Enero 1 hanggang Setyembre 6, nasa kabuuang 208,965 ang naitalang kaso ng dengue, mas mataas ito ng 68% kumpara sa parehong period ng nakalipas na taon na nasa 124,157 cases.
Nakitaan din ng patuloy na uptrend ng dengue cases ngayong rainy season kung saan noong unang 2 linggo ng Agosto, tumaas ang mga kaso sa lahat ng rehiyon maliban sa Mimaropa, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, at Bangsamoro.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na sundin ang 4S strategy laban sa dengue kabilang ang search o paghahanap at pagsira sa pinamumugaran ng lamok, Secure self-protection, Seek early consultation at support fogging o spraying sa hot spot areas lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.