-- Advertisements --

Mas lalo pang nadadagdagan ang bilang ng mga nasasawi na mga indibidwal sa nagpapatuloy na kaguluhan ngayon sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.

Ito ay mula pa noong sumiklab ang naturang sigalot sa pagitan ng dalawang panig noong nagsimulang umatake ang ang Hamas militants sa ilang bahagi ng Israel noong Oktubre 7, 2023.

Batay sa pinakahuling datos na naitala ng mga kinauukulan, umakyat na sa mahigit 18,000 ang bilang ng death toll na naitatala kaugnay sa nasabing giyera.

Mula sa naturang bilang ay aabot sa mahigit 18,200 ang pawang mga Palestinian na kinabibilangan ng mga kababaihan at mga kabataan, habang tinatayang aabot naman sa humigit-kumulang 104 na mga Israeli soldiers naman ang mga napaslang.

Kung maaalala, bukod sa mga napatay ay kasalukuyan pa ring 137 na mga natitirang bihag ang hawak ngayon ng Hamas na hindi anila pakakawalan hangga’t hindi naibibigay ng Israel ang lahat ng kanilang mga demands na may kaugnayan naman sa pagpapalaya ng mas maraming Palestinian prisoners nito.