Sumampa na sa 13 katao ang napaulat na nasawi dahil sa hagupit ng bagyong Enteng.
Ayon kay Office of the Civil Defense spokesperson Edgar Posadas, kasalukuyang biniberipika pa ang mga napaulat na nasawi kung saan 8 dito ay mula sa lalawigan ng Rizal partikular sa Antipolo city kasunod ng mga insidente ng landslide at baha, 3 sa Bicol at 2 sa probinsiya ng Cebu na nabagsakan ng pader.
Samantala, nakapagtala din ang OCD ng 10 katao na nasugatan sa Cebu dahil sa epekto ng bagyo.
Samantala, base naman sa datos mula sa NDRRMC, umabot na sa kabuuang 147,024 indibidwal o katumbas ng 37,867 pamilya mula sa mahigit 300 barangay sa Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, at National Capital Region.
Nasa 157 lugar din ang naitala ng ahensiya na binaha, 4 ang naitalang insidente ng landslide dahil sa mga pag-ulan at 3 gumuhong struktura.
Mayroon ding kabuuang 54 na kalsada at 2 tulay ang nananatiling hindi madaanan.
Nasa 11 siyudad at bayan naman sa Central Luzon, Calabarzon at Bicol ang nawalan ng suplay ng kuryente.
Sa advisory mula sa Meralco ngayong Martes, humingi ng pang-unawa ang kompaniya dahil nasa 2,000 pang customer nila ang nananatiling lubog sa baha. Tiniyak naman nito na kanilang ibabalik ang suplay ng kuryente sa lahat ng apektadong customers sa lalong madaling panahon.
Inaasahan naman na umaga ng Miyerkules lalabas na ng Philippine area of responsibility ang bagyong Enteng.