-- Advertisements --

Lumagpas na sa 3,000 katao ang naitalang nasawi sa tumamang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar sa gitna ng nagpapatuloy na paghahanap ng mga rescuer sa mga gumuhong gusali.

Ayon sa Embahada ng Myanmar sa Japan, umakyat na nitong Miyerkules sa 3,003 ang nasawi dahil sa lindol habang nasa 4,515 ang naitalang sugatan at 351 ang nananatiling pinaghahanap.

Pinangangambahan naman ngayon sa isinasagawang relief efforts ang posibleng pag-ulan matapos ibabala ito ng weather officials na maaaring maranasan mula sa araw ng Linggo hanggang Abril 11 na maaaring maging banta sa mga lugar na matinding tinamaan ng lindol gaya ng Mandalay, Sagaing at ang kabisera ng Naypyidaw.

Iniulat din ng Embahada na mayroong 53 airlifts ng tulong sa Myanmar habang mahigit 1,900 rescue workers ang dumating na mula sa 15 bansa kabilang na ang mga karatig na bansa sa Southeast Asia gaya ng Pilipinas gayundin ang China, India, at Russia.

Samantala, sa Thailand naman na tinamaan din ng malakas na lindol, nagpapatuloy ang paghahanap sa mga survivor sa mga naiwang gabundok ng debris mula sa gumuhong mataas na gusali na under construction sa capital ng Bangkok.

Gumagamit na rin ang mga rescuer ng mechanical diggers at bulldozers para sirain ang 100 toneladang konkreto para matunton ang mga survivor.

Nag-iwan na ang lindol ng kabuuang 22 katao na nasawi habang 72 ang patuloy na nawawala sa Thailand.