Pumalo na sa kabuuang 143 ang naitalang death toll ng mga otoridad mula sa malawakang pagbaha na nararanasan ngayon sa timog na bahagi ng Brazil partikular na sa Rio Grande do Sul nang dahil pa rin sa patuloy na pag-ulan sa naturang lugar.
Ayon sa mga otoridad, bukod sa naturang bilang ay mayroon pang 125 na iba pang mga indibidwal ang nawawala at patuloy pa rin na pinaghahahanap sa ngayon.
Anila, ang nararanasang sitwasyon ngayon sa kanilang lugar nang dahil sa kasalukuyang klima ng panahon ay maituturing nang “extremely worrying” lalo na’t may mga napapaulat din na pagtaas pa ng mga lebel ng tubig sa mga ilog na pinangangambahang mas makapagpadala pa sa nararanasang malawakang pagbaha doon.
Samantala, bilang tugon naman ay una nang inanunsyo ng pamahalaan ng Brazil na maglalabas ito ng aabot sa $2.34 billion na halaga ng pondo para sa Emergency spending na layong tulungan ang mahigit 538,000 na mga indibidwal na lubhang naapektuhan ng nasabing malawakang pagbaha.
Habang nagpahayag na rin ng kahandaang tumulong at panalangin ang iba pang mga bansa para sa Brazil.