Lalo pang tumaas ang bilang ng mga natukoy na nasaawi dahil sa malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng bansa.
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mayroon nang kabuuang 48 na mortalities sa malawakang pagbaha na dulot ng tatlong weather disturbance: Supertyphoon Carina, Butchoy, at southwest monsoon o Habagat.
Mula sa naturang bilang, 22 ay natukoy na nasawi sa pagbahang nangyari sa National Capital Region, 15 ay nasawi sa CALABARZON, habang apat naman sa Zamboanga Peninsula.
Nakapagtala naman ang Central Luzon ng dalawang mortality; dalawa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM); at tig-isa mula sa Ilocos, Northern Mindanao, at Davao.
Nananatiling missing naman ang limang indibidwal; tig-dalawa sa Ilocos at Calabarzon at isa sa Northern Mindanao.
Umabot na rin sa 6.2 million indibidwal ang natukoy na apektado mula sa 5,099 barangay sa 17 rehiyon. Ito ay katumbas ng 1,662,222 families.
Malaking bahagi ng mga apektadong pamilya ay mula sa Central Luzon kung saan maraming lugar ang una nang nalubog sa tubig-baha. Ito ay binubuo ng 983,898 families o 3,358,155 individuals; mahigit kalahati ng bilang ng mga apektado.