-- Advertisements --

Lumobo pa sa 21 ang bilang ng mga namatay sa pagtama ng magnitude 6.6 at 6.5 na mga lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao nitong nakalipas na linggo.

Batay sa pinakahuling report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nananatiling tatlo ang fatalities sa Davao Region ngunit nakapagtala na ng 18 sa Region 12.

Sa Davao del Sur, kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jessie Riel Parba; Benita B. Saban; at Romulo Naraga; habang sa South Cotabato naman ay ang 66-anyos na si Nestor Narciso, at si Marcelo Tare.

Ang mga namatay naman sa Cotabato ay sina Samuel Linao; Renee Corpuz; Remia B. Angal; Patricio Lumayon; Pao Zailon Abdulah; Isidro Gomez; Cesar Benjie Bangot; Romel Galicia; Priscilla Varona; Juve Gabriel Jaoud; Tessie Alacayde; Melacio Laxamana; Melissa Jamero; Nimfa Sabernas; at Elma Rose Casuela.

Samantalang sa Sultan Kudarat ay natukoy ang isang biktima na si Lito Peles Mino.

Ayon pa sa NDRRMC, tumaas sa 331 ang bilang ng mga sugatan sa Region 10, 11, 12, at sa BARMM mula sa unang napaulat na 327.

Nananatili naman sa dalawa ang bilang ng mga nawawalang indibidwal.

Naapektuhan din sa lindol ang 29,479 pamilya o 147,395 indibidwal sa 149 barangay sa Davao Region at SOCCSKSARGEN.

Nasa kabuuang 28,224 naman ang bilang ng imprastrakturang nasira sa mga Rehiyon ng Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, at Region 12.