Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 36 katao na ang napaulat na nasawi sa pananalasa ng nagdaang kalamidad.
Nagsimula na kasing maiparating sa NDRRM Operations Center sa Camp Aguinaldo sa Quezon city ang mga report mula sa mga apektadong lugar kasabay ng pagbuti ng lagay ng panahon.
Karamihan sa mga naitalang nasawi ay mula sa National Capital Region na nasa 15, sinundan ng Calabarzon na nakapagtala ng 10 nasawi at Zamboanga Peninsula na may 4 na casualties habang sa Central Luzon at BARMM ay may tig-2 nasawi, sa Ilocos region, Northern Mindanao at Davao region naman ay may tig-isang nasawi.
Sa kabuuang bilang, 14 dito ang nakumpirma na ng NDRRMC kung saan 10 biktima ang nasawi dahil sa magkahiwalay na insidente ng landslide sa Angeles city, Pampanga, Agoncillo, Batangas at Zamboanga city.
Nasa 3 biktima naman ang nasawi matapos malunod sa magkakahiwalay na insidente sa Maramag, Bukidnon at sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
May isa namang binawian ng buhay matapos tamaan ng bumagsak na puno sa Nasugbu, Batangas.
Ang nalalabing 22 nasawi ay kasalukuyan pang kinukumpirma ng ahensya.
May 3 namang indibidwal ang nananatiling nawawala sa Region 1 at 10 habang 6 ang nasugatan sa CAR at Region 10.
Sa kabuuan, sumipa na sa 4,553,752 indibidwal ang naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
Nakapaghatid naman na ang pamahalaan ng kabuuang P3.4 billion na halaga ng ayuda para sa mga typhoon victims.