Pumalo pa sa 53 ang bilang ng mga namatay dahil sa malawakang pagbaha sa Indonesia.
Ayon kay National Disaster Mitigation Agency spokesman Agus Wibowo, marami pa silang nadiskubreng mga bangkay sa iba’t ibang mga lugar sa bansa na apektado ng sakuna.
Maliban sa naturang bilang ng mga namatay, may isa pang inidibidwal ang patuloy nilang pinaghahanap.
Nangangamba naman ang mga opisyal na posible pang lumakas ang nararanasan nilang malakas na pag-ulan o torrential rain, na nagsimula noong bisperas ng Bagong Taon.
Nasa 170,000 katao naman ang pansamantalang nananatili ngayon sa mga shelters sa Jakarta at sa Lebak dahil sa nalubog sa tubig-baha ang kanilang komunidad.
Kaugnay nito, gumagawa na rin ng paraan ang gobyerno upang maabutan ng tulong ang mga biktima na nasa isolated na mga lugar.
Gamit ang helicopter, naghuhulog ng kahon na may lamang mga pagkain at iba pang mga suplay ang mga tauhan ng militar at pulisya sa Lebak, na hindi na mapasok dahil sa nasirang mga tulay.
“It’s tough to get supplies in there… and there are about a dozen places hit by landslides,” wika ni Banten police chief Tomsi Tohir. “That is why we’re using helicopters although there aren’t any landing spots.” (AFP)