Pumalo na sa 20 ang bilang ng mga nasawing indibidwal sa pananalasa ng mga nagdaang bagyong Ferdie at Gener na pinaigting pa ng hanging habagat sa Pilipinas.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules, ang 9 sa napaulat na nasawi ay mula sa Mimaropa, tig-4 mula sa Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, 2 sa Zamboanga Peninsua at 1 sa Central Visayas.
Subalit nilinaw ng ahensiya na isasailalim pa sa validation ang mga napaulat na nasawi sa nagdaang mga bagyo.
Maliban dito, may 14 na katao din na napaulat na nawawala ang kasalukuyan pa ring pinaghahanap habang 11 katao naman ang nasugatan sa epekto ng mga kalamidad.
Sa ngayon, ayon sa ahensiya, kabuuang mahigit 500,000 katao o mahigit 150,000 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro, at Cordillera.
May mahigit 16,000 pamilya ang inilikas na patungo sa mga evacuation center habang may mahigit 8,000 pamilya naman ang lumikas pansamantala sa ibang mga lugar.
Bilang tugon naman, nagpamahagi na ang pamahalaan ng kabuuang mahigit P15 million na halaga ng relief assistance para sa mga sinalanta ng kalamidad.