Sumampa na sa 81 katao ang napaulat na nasawi kasunod ng pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, nilinaw ni Office of the Civil Defense (OCD) Administrator at USec. Ariel Nepomuceno na ang bilang ng napaulat na nasawi ay subject pa sa validation at verifications.
Gayundin, iniulat ng OCD official na nasa 66 indibidwal ang napaulat na nasugatan at 34 ang nawawala.
Sa datos naman mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong umaga ng Sabado, nasa kabuuang 547 lugar ang binaha sa 13 rehiyon sa bansa.
Matinding sinalanta ang nasa mahigit 4.472 milyong indibidwal o katumbas ng 1.062 milyong pamilya.
Sa datos kaninang alas-7 ng umaga, mayroon pang 82,000 pamilya o 311, 468 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.
Samantala, sa damage assessment sa sektor ng imprastruktura, nakapagtala na ng mahigit P203 million na halaga ng danyos sa mga nasirang kalsada, tulay, paaralan at iba pa. Sa mga kabahayan naman, mahigit 8,000 ang napinsala.
Sa sektor ng agrikultura, tinatayang nasa mahigit P87 million na ang halaga ng pinsala na nakaapekto sa mahigit 3,000 magsasaka at mangingisda at mahigit 1,000 ektarya ng mga pananim.
Sa kabuuan, mayroong 83 mga siyudad at bayan ang nakasailalim ngayon sa state of calamity dahil sa pinsalang iniwan ng bagyo.