Pumalo na sa 16 katao ang iniwang patay ng Hurricane Milton ayon sa mga opisyal sa Florida.
Nasa 6 sa nasawi ay mula sa St. Lucie County, 4 sa Volusia County, 2 sa Pinellas County at tig-isa sa Hillsborough, Polk, Orange at Citrus counties.
Mahigit 2 milyong kabahayan at negosyo naman ang nawalan ng suplay ng kuryente. Ito ay matapos pabagsakin ng hurricane ang ilang linya ng kuryente habang ilang mga lugar na dinaanan ng bagyo ang nananatiling lubog sa baha.
Bagamat ‘significant’ o malaki ang naging epekto ng hurrican, nagpasalamat naman si Florida Governor Ron DeSantis na hindi ito worst case scenario. Nagpapatuloy naman ang search operations nitong Biyernes kung saan ayon kay Gov. DeSantis nasa 1,600 katao ang nailikas na sa ligtas na lugar.
Sa isang White House briefing naman, sinabi ni US President Joe Biden na tinataya ng mga eksperto na papalo sa $50 billion ang halaga ng pinsala dulot ng hurricane. Nakatakda namang bisitahin ni Biden ang Florida bukas, Linggo, Oktubre 13.