Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umakyat na sa 39 katao ang nasawi dahil sa pananalasa ng pinagsamang epekto ng habagat at bagyong Carina at Butchoy.
Ayon sa ahensiya, 14 dito ang kumpirmado na habang 25 ang isinasailalim pa sa beripikasyon.
Nadagdagan ng 3 ang bilang ng casualties mula sa 36 na naitala noong araw ng Lunes.
Samantala, nasa mahigit 1.3 milyong pamilya o 4.8 milyong indibidwal sa 17 rehiyon ang naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
Habang nananatili pa rin sa evacuation centers ang 108,083 indibidwal kung saan karamihan sa kanila ay mula sa Central Luzon at Metro Manila.
Nakapaghatid naman na ng P321.5 milyong halaga ng tulong ang pamahalaan sa halos 1 milyong pamilya na sinalanta ng mga bagyo at habagat.