Sumampa na sa 16 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng nagdaang bagyong Enteng sa bansa.
Batay sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong umaga ng Biyernes, 8 sa naitalang nasawi ay mula sa Calabarzon region, 3 mula sa Bicol region, tig-2 sa Central at Eastern Visayas at 1 sa Western Visayas. Lahat ng ito ay isinasailalim pa sa validation.
Samantala, 17 indibIdwal naman ang napaulat na nawawala habang 13 ang nasugatan sa kasagsagan ng hagupit ng bagyo na nagdulot ng malawakang pagbaha at landslide sa iba’t ibang parte ng Luzon at Visayas.
Sa ngayon, malaking bilang ng mga residente ang naapektuhan na nasa mahigit 2.061 milyong katao sa Ilocos region, Cagayan region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Cordillera Administrative Region at Metro Manila.
Sa datos naman ng ahensiya sa pinsala sa imprastruktura, pumalo na sa P314 million habang sa sektor ng agrikultura ay nasa P30 million.
Nakapagtala naman ng kabuuang 5,965 kabahayan ang nasira kung saan 107 dito ang totally damage.