Sumampa na sa 25 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng nagdaang mga kalamidad sa bansa.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Sabado, 10 sa nasawi ay mula sa Mimaropa, 5 sa Region 6, 2 sa region 7, 4 sa Region 9 at 4 sa BARMM.
Sa naunang 13 na napaulat na nasugatan dahil sa epekto ng mga bagyo at habagat, nasa 3 dito ang kumpimado na habang biniberipika pa ang 10 iba pa.
Sa kasalukuyan, 8 pa rin ang nawawala kung saan 6 dito ang kumpirmado na habang biniberipika pa ang 2 missing.
Sa mga sinalantang pamilya, nasa mahigit 380,000 pa rin ang apektado kung saan nananatili sa mga evacuation center ang nasa mahigit 5,000 pamilya.
Sa datos din ng ahensiya, nakapagtala ng 5 insidente ng landslide sa Region 2 at tig-1 sa Calabarzon at Region 5.
Samantala, humupa na rin ang baha mula sa 113 lugar na nauna ng napaulat na binaha dahil sa mga matinding pag-ulan dala ng mga nagdaang bagyo.
Tuluy-tuloy naman ang paghahatid ng pamahalaan ng kaukulang tulong para sa mga sinalantang pamilya kung saan nasa mahigit P43 million na ang halaga ng relief assistance na naipamahagi.