Umakyat na sa 46 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng bagyong Carina, southwest monsoon o habagat at tropical depression Butchoy.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kumpirmado na ang nasawing 14 na katao habang ang natitirang 32 ay isinasailalim pa sa validation.
Ayon pa sa konseho, 14 ang naiulat na nasugatan, at 5 ang patuloy na nawawala.
Samantala, ang bilang ng mga apektadong indibidwal dahil sa pananalasa ng nagdaang kalamidad ay tumaas sa mahigit 1.6 milyong pamilya.
Sa mga apektadong indibidwal, mahigit isang milyon ang nawalan ng tirahan. Mahigit 36,000 katao ang nanatili sa 4,811 evacuation center sa buong bansa habang mahigit isang milyong tao ang nanunuluyan sa ibang lugar.
Sa kabilang banda, tinatayang nasa mahigit P1.3 bilyon ang pinsalang natamo ng sektor ng agrikultura na nakaapekto sa mahigit 47,000 magsasaka at mangingisda.
Sinabi ng NDRRMC na naghatid na ang gobyerno ng mahigit P488 milyong halaga ng tulong para sa mga nasalantang indibidwal.