-- Advertisements --

Sumampa na sa 12 katao ang bilang ng mga namatay sa tumamang malakas na magnitude 7.4 na lindol sa Taiwan noong Miyerkules.

Ito ay matapos na marekober ang 2 pang labi ng mga biktima sa Taroko National Park, isang sikat na tourist attraction sa Hualien County. Sa ngayon, hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng pinakabagong nasawi sa kalamidad.

Nasa mahigit 1000 katao naman ang nagtamo ng injuries habang dosena pang katao ang kasalukuyang pinaghahanap.

Natukoy ng mga awtoridad ang 3 nawawalang indibdiwal bilang Australian at Canadian nationals sa gitna ng nagpapatuloy na pagsagip sa daan-daang katao pa na na-stranded matapos harangan ng mga bato at putik ang mga kalsada patungo sa kanilang mga hotel, campground o lugar ng trabaho sa silangang bahagi ng Hualien.

Samantala, ayon sa Central Weather Administration, aabot sa 50 aftershocks ang naramdaman sa magdamag sa capital ng Taipei matapos ang 400 tremors na inisyal na naitala mula Miyerkules ng umaga hanggang gabi ng Huwebes.