BAGUIO CITY – Umabot na sa 15 ang bilang ng mga namamatay sa India dahil dumarami umano ang mga nare-recover na bangkay dahil sa monsoon rains.
Ayon kay Datta Bhadakawad, civil administrator sa Ratnagiri district sa Maharashtra, India, tatlo ang natagpuang mga labi ng mga rescuer sa Tiware dam at walong katao pa ang patuloy na hinahanap matapos umano mabutas ang nasabing dam na naging sanhi ng labis na pagbaha sa mahigit dose-dosenang kabahayan doon.
Patuloy na iniimbestigahan ang pagkakabutas sa nasabing dam dahil dumadagdag umano ang pagkakaroon nito ng mga biyak, at sinisigurado naman ng mga otoridad na agad nilang maayos ito sa madaling panahon.
Ang malakas na monsoon rains sa Maharashtra ay nagdulot sa pagkasawi ng hindi bababa sa 34 katao mula Lunes ng gabi dahil sa mga bumigay na pader, pagkalunod at iba pang mga dahilan.
Ang ganitong panahon sa India ay nagdudulot ng malakas na pag-ulan mula Hunyo hanggang Setyembre na nagiging sanhi ng pagbaha at iba pang pinsala.
Dito ay karaniwang bumabagsak ang mga gusali dahil sa mahinang pundasyon ng ilan sa mga ito.