-- Advertisements --

Kumitil na ng 24 na katao ang mapaminsalang wildfires sa Los Angeles, California USA nitong weekend, Linggo, Enero 12.

Ayon sa Los Angeles County coroner o medical examiner, 8 sa nasawi ay mula sa malawakang wildfire na sumiklab sa Palisades habang
16 mula sa Eaton fire.

Inaasahan naman na tataas pa ang naturang bilang sa gitna ng patuloy na paghahanap ng rescue teams kasama ang cadaver dogs sa mga lugar na apektado ng wildfire.

Nasa 16 indibidwal naman ang napaulat na nawawala. Kaugnay nito, naglatag na rin ang mga awtoridad ng isang center kung saan maaaring iulat ang mga nawawala.

Pinayuhan naman ni LA city Fire Chief Kristin Crowley ang mga residente na huwag munang bumalik sa kanilang mga nasunog na bahay partikular sa Palisades area kung saan mayroon pa ring active fires kayat lubhang mapanganib ang lugar para sa publiko. Wala din aniyang suplay pa ng kuryente at tubig, napinsala din ang gas lines at walang stable na struktura.

Sa ngayon nasa 150,000 residente sa LA county ang nananatiling nasa ilalim ng evacuation orders.

Nag-isyu na rin ang National Weather Service ng red flag warnings dahil sa malalang fire conditions hanggang sa araw ng Miyerkules, kung saan nakakaranas ng sustained winds na 50 mph (80kph) at bugso ng hangin sa mga kabundukan na umaabot ng 70 mph (113kph) kung saan ang pinakadelikado aniya ay bukas araw ng Martes .

Ayon kay weather service meteorologist Rich Thompson, magiging malakas ang bugso ng Santa Ana winds na sobrang tuyo kayat magiging napaka-kritikal pa rin ang fire weather conditions doon.

Samantala, ipinakalat na rin ang nasa halos 950 na nakakulong na firefighters sa California para tumulong sa pag-apula ng wildfires.

Nakapagtala din ang mga awtoridad ng looting incidents kung saan nasa 10 katao kada araw ang kanilang naikukulong. Kaugnay nito, idineploy ang California National Guard troops para tumulong sa pagbantay sa mga naiwang properties ng mga lumikas na residente.

Sa inisyal namang pagtaya, nasa pagitan ng $135 billion at $150 billion ang tinatayang pinsala at economic loss dahil sa malawakang wildfire na itinuturing na pinakamalalang natural disaster na tumama sa kasaysaysan ng Amerika.