Umakyat na sa 10 katao ang nasawi sa nagpapatuloy na malawakang wildfires sa Los Angeles, California, USA.
Bunsod nito nagbabala ang mga awtoridad na maaaring mas mataas pa ang death toll sa gitna ng nagpapatuloy na pagsuyod ng mga responder sa ilan sa mga pinakamatinding tinamaang lugar.
Ginawa ang naturang babala kasabay ng pagsisimula ng mga bumbero na suyurin ang mga lugar na nakapagtala ng malalaking wildfires karamihan sa Palisades Fire na nakaapekto sa Pacific Palisades area ng Los Angeles at ang sumiklab na Eaton fire na nakaapekto naman sa Pasadena. Bunsod nito, mahigit 10,000 struktura ang napinsala.
Ang Palisades fire nga ang itinuturing ngayon na pinakamalaking wildfire na naitala sa buong kasaysayan ng Los Angeles, CA.
Ang nangyayaring wildfire sa LA ay pinaniniwalaang dulot ng Santa Ana winds na extreme at dry winds na karaniwan tuwing mas malamig ang panahon o winter months.
Sa paliwanag ng mga eksperto, ang hangin na umiihip tuwing taglamig ay tuyo dahil hindi ito nagmumula sa mga anyong tubig, samakatuwid ay tinatawag ito bilang offshore winds.