-- Advertisements --

VIGAN CITY – Binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t ibang television networks na nagsasagawa ng mga debate para sa mga kandidato sa national positions kagaya na lamang ng presidential at senatorial debates.

Sa isang talumpati ni Pangulong Duterte sa Bangued, Abra, inilarawan ni Pangulong Duterte na “money making exercise” lamang ang mga nasabing debate.

Ito ay dahil sa isang minuto at kalahati lamang aniya ang naibibigay sa isang kandidato para masabi nito ang kaniyang saloobin sa isang partikular na isyu na kung tutuusin ay wala namang saysay dahil hindi maipapaliwanag nang maigi ang kaniyang sinabi.

Inihayag din ng pangulo ang kaniyang sariling karanasan noong tumakbo ito noong 2016 national elections kung saan may ilang mayayamang kandidato na lumalapit sa mga audience dahil sa kanilang election propaganda, samantalang ang mga walang perang kandidato na kagaya umano niya ay nasa loob lamang ng holding room o nananatiling nakatayo sa kanilang puwesto.

Dahil dito, inaasahan daw ng pangulo na sa mga susunod na taon, kung mayroon mang maisagawang presidential debate ay dapat lamang na mabigyan ng sapat na oras ang mga kandidato para talakayin ang iba’t ibang bagay na nais nilang sabihin sa publiko.