LEGAZPI CITY – Pasisimulan sa Kamara na pagdebatehan sa plenaryo ang Resolution of Both Houses No. 2 o ang panukalang nilalayong amyendahan ang ‘restrictive economic provisions’ ng 1987 Constitution.
Ayon kay House committee on Constitutional Amendments chairperson Rep. Alfredo Garbin Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mag-uumpisa ito sa darating na Lunes, Pebrero 22 matapos na hindi maituloy dahil sa problema sa schedule.
Hindi naman inihayag ni Garbin kung gaano katagal ang aabutin ng pagtalakay sa plenaryo subalit umaasang hindi na mahihirapan pa.
Kasunod ito ng isinumiteng manifesto of support ng super majority sa Kamara at ilan pang sumusuporta sa economic Cha-cha.
Nilalayon ng RBH no. 2 na isinulat ni House Speaker Lord Allan Velasco na umagapay sa ekonomiya ng bansa na lubhang pinadapa ng COVID-19 pandemic.
Oras na matapos na ang pagdinig sa Cha-cha at maibilang ang plebisito sa national elections, susundan aniya ito ng massive information campaign upang mas mamulat ang mga kababayan hindi lamang sa halalan kundi magin sa pag-amyenda sa Saligang Batas.