-- Advertisements --

Ipinaabot ni Speaker Romualdez ang taos-pusong pagbati sa milyun-milyong deboto ng Poong Jesus Nazareno sa taunang pagdiriwang ng kapistahan, na kilala rin bilang Traslascion, sa Quiapo, Maynila.

Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara ang hindi matatawarang debosyon ng mga Pilipino sa Hesus Nazareno, na nagpapatunay na patuloy na nagbibigay ng pag-asa at pagkakaisa sa mga mananampalataya.

Ang Pista, na ginaganap tuwing ika-9 ng Enero, ay paggunita sa paglilipat ng makasaysayang imahen ni Hesus Kristo patungo sa Quiapo Church.

Ang tradisyong ito ay isa pinakapangunahing pagdriwang sa bansa, na nagtitipon ng milyun-milyong deboto mula sa iba’t ibang bahagi ng lipunan.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang pagdiriwang ay higit pa sa isang relihiyosong ritwal; kundi ay isang makapangyarihang simbolo ng pananampalataya at pagkakaisa.

Kinilala rin ng mambabatas ang mga sakripisyo ng bawat deboto, kung saan marami ang naglalaan ng buong taon ng paghahanda para sa okasyong ito, bilang pagpapakita ng pasasalamat at pag-asa.

Ang taunang prusisyon ng Poong Hesus Nazareno, ay isa sa itinuturing na pinakamalaking pagtitipon sa buong mundo, ay naging espiritwal na sandigan para sa maraming Pilipino na naniniwalang ang pakikilahok sa prusisyon at paghawak sa imahen o sa lubid nito ay nagdadala ng biyaya at kagalingan.

Hinihikayat naman ni Speaker Romualdez ang mga deboto na panatilihin ang disiplina at tiyakin ang isang mapayapang pagdiriwang, pati na rin ang pangangalaga sa kalikasan habang dumadalo sa okasyong ito.

Dahil sa inaasahang pagdalo ng milyun-milyong deboto sa prusisyon, nanawagan ang Speaker para sa pagtutulungan ng mga organizer, otoridad, at mga makikiisa sa pagdiriwang upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

Pinasalamatan din niya ang mga naging pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Maynila at mga opisyal ng simbahan para sa paghahanda sa kapistahan.