Patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng Philippine Space Agency (PhilSA) sa mga local government unit na posibleng binagsakan ng debris o bahagi ng Chinese Rocket na Long March 7A.
Sinabi ni PhilSA’s director of Space Technology Missions and Systems Bureau Marc Caesar Talampas, na sinabihan na nila ang Philippine Coastguard at ilang mga ahensiya na makipag-ugnayan sa kanila kapag nakita ang side boosters, payload fairing at ilang debris ng nasabing bumagsak na bahagi ng Rocket.
Paliwanag din nila na may dalang panganib ang sinumang makahawak ng nasabing bahagi ng rockets kaya nararapat na agad na ipaalam sa kanila.
Magugunitang inabisuhan na sila ng Civil Aeronautics Authority ng China na posibleng bumagsak ang debris ng Long March 7A sa bahagi ng Burgos, Ilocos Norte at sa Sta. Ana, Cagayan.
Ang nasabing rocket ay inilunsad sa Wenchang Space Launch sa Hainan Island nitong Setyembre 13.