Inuulan ngayon ng kuwestiyon ang Hong Kong authorities matapos nilang gumamit ng bagong taktika upang mas mapadali ang kanilang paghuli sa mga nagsasagawa ng kilos-protesta sa lungsod.
Nabatid na ilan sa mga ito ay nagpanggap bilang mga raliyista at nakisama rin sa pag-aalsa. Target umano ng decoy operation na ito ang mga raliyista na patuloy na nagdudulot ng kaguluhan sa Hong Kong.
Depensa naman ng Deputy Commissioner ng Hong Kong police na mas mabuti na raw na ganito ang gawin nilang hakbang dahil mas marami raw na inosenteng mamamayan ang nadadamay sa paggamit nila ng tear gas at baril upang mapigilan lamang ang mga nag-aalsa.
Hindi naman ito nagbigay pa ng karagdagang impormasyon kung ilang pulis ang kanilang idineploy at kung kailan ito nagsimulang gawin.
Dahil dito, ilang rights groups at democracy activists ang inakusahan ang mga otoridad ng paggamit ng dahas bago hulihin ang kanilang mga kasamahan.
Nanawagan naman ngayon ang mga nagpoprotesta ng imbestigasyon hinggil sa bagong taktika ng mga kapulisan.
Sa ngayon, balik normal na ang operasyon ng Hong Kong International airport matapos kanselahin ang halos 180 flights nito kahapon dahil sa libo-libong raliyista na sumugod sa paliparan.