(Update) BAGUIO CITY – Inilabas na ng Supreme Court (SC) en banc ang status quo ante order na pumapabor sa petisyon ng Baguio City mayoralty candidate na unang napabalitang hindi kinonsidera ng Commission on Elections (COMELEC) en banc ang inihaing certificate of candidacy (COC) para sa nalalapit na halalan.
Batay sa resolution ng SC, pinahihinto nito ang pagpapatupad sa COMELEC Resolution No. 19-0286 na bumalewala sa mga COCs ng 25 kandidato sa buong bansa, kasama na ang kay Atty. Edgar Avila dahil sa paggamit ng mga ito ng old form na walang Item No. 22.
Inilabas ang status quo ante order kasunod ng petisyon na isinampa ng konsehal sa Korte Suprema, kamakalawa.
Hiniling nito sa petisyon ang pagbasura sa nasabing aksyon ng COMELEC dahil sa kakulangan ng due process, complete compliance ng kanyang COC, at ang “error in form” na hindi raw dapat batayan ng pagkadiskwalipika.
Ayon naman sa kampo ng tumatakbong alkalde ng Baguio, ang utos ng SC ay nagbibigay linaw sa lahat ng mga agam-agam sa validity ng COC nito.
Iginiit nilang muli na hindi kailanman nadiskwalipika ang kandidato.
Nabatid na nakasaad sa resolusyon ng SC na “sufficient in form and substance” ang petisyon ng kandidato.
Samantala, ipinag-utos din ng SC ang pagkomento ng COMELEC bilang respondent.