Dinomina ng defending NBA champions na Toronto Raptors ang banggaan nila ng Milwaukee Bucks sa tinaguriang matchup ng dalawang top teams sa Eastern Conference na nagtapos sa score na 114-106.
Sa kabila nito, naging kapansin-pansin ang pagkawala sa laro ng ilan sa mga key players ng magkabilang koponan.
Ang reigning MVP ng liga na si Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee ay hindi nakasabak sa laro makaraang sumailalim sa oral surgery.
Ayon kay Milwaukee coach Mike Budenholzer, hindi pa nila matiyak sa ngayon kung makakalaro na si Antetokounmpo sa huling dalawang seeding games ng team kontra sa Washington Wizards at Memphis Grizzlies.
Sa panig naman ng Toronto, hindi naglaro si Kyle Lowry dahil sa nananakit na likod, si Serge Ibaka bunsod ng pasa sa kanang tuhod, at si Fred VanVleet na may hyperextended right knee.
Gayunman, hindi pa rin nagpapigil ang Raptors na sumandal kay Chris Boucher na umiskor ng career-high na 25 points at 11 rebounds.
Habang sa Bucks, nagsanib-puwersa sina Kyle Korver na may 19 points, at Khris Middleton na nagdagdag ng 17 points.