-- Advertisements --

Dumanas ng dalawang puntos na pagkatalo ang defending champion na Boston Celtics sa kamay ng mga bagitong Houston Rockets, 114 – 112.

Umabot sa 69 points ang combined score ng dalawang starting forward ng Rockets na sina Amen Thompson at Dillon Brooks sa loob ng mahigit 40 mins. na kanilang paglalaro.

Binuhat ng dalawang forward ang koponan matapos malasin ang dalawang shooter na sina Alperen Sengun at Jalen Green.

Tanging 11 points lamang kasi ang nagawa ni Sengun habang 12 points ang nai-ambag ni Green sa loob ng mahigit 30 mins. na pananatili sa hard court.

Hindi nakapalag ang defending champion sa kabila ng 28 points ni Jalen Brown, ang Finals MVP sa 2024 championship run ng Boston. Nalimitahan lamang sa 19 points at pitong assists si Jason Tatum habang 17 points naman ang naipasok ni Kristaps Porzingis.

Bumangon ang Houston mula sa 4th quarter habang tangan ng Boston ang 4-point lead sa pagtatapos ng 3rd quarter.

Halos hindi magmintis ang dalawang forward ng Rockets na sina Brooks at Thompson sa kanilang magkakasunod na shots at sa pagtatapos ng huling quarter ay nakapagbuhos na ang koponan ng 29 points habang 23 lamang ang naiganti ng Boston.

Kapwa nasa pangalawang pwesto ang dalawang koponan: No. 2 ang Rockets sa West habang No. 2 ang Celtics sa East.