Ipinalasap ng Golden State Warriors ang ikalawang pagkatalo sa defending champion na Boston Celtics, 118 – 112.
Hindi naisalba nina Jayson Tatum at Derrick White ang kanilang koponan sa kabila ng mahigit 36 mins. na paglalaro sa kabuuan ng laban. Nagpasok ng kabuuang 58 points ang dalawa, malaking porsyento nito ay mga 3-pointers.
Sa Warriors, muling gumawa si NBA superstar Stephen Curry ng all-around performance at nagbuhos ng 27 points, 7 rebounds, at siyam na assists. Ito ang ikalawang laban ni Curry kasunod ng pagbabalik mula sa minor health issue.
Nag-ambag naman ng tig-16 points sina Andrew Wiggins at Buddy Hield.
Napigilan ng Warriors ang comeback attempt ng defending champion sa 3rd at 4th quarter ng laro.
Sa pagtatapos kasi ng 1st half ay hawak ng GSW ang 11-pt. lead. Pero sa 3rd quarter, gumawa ang Boston ng adjustment sa opensa at ipinasok ang 41 points habang 31 points lamang ang naiganti ng GSW.
Muling sinundan ng Boston ang agresibong opensa sa 4th quarter ngunit sinabayan na ito ng GSW, kasama ang clutch defense nina Kevon Looney at Draymond Green.
Sa kabuuan ng laro ay nagawa ng defending champion na magpasok ng 19 3-pointer at labis na pinahirapan ang GSW defense sa 3pt. arc.
Gayunpaman, naging bentahe naman ng GSW ang paint area at kumamada ng 46 points sa ilalim nito.