Hindi pinaporma ng Miami Heat ang defending champion na Milwaukee Bucks sa una nilang paghaharap sa bagong season ng NBA matapos na ilampaso sa iskor na 137-95.
Mula sa first quarter, 40-17, ay hindi na binitawan ng Heat ang kalamangan hanggang sa pagtatapos na umabot sa 42 puntos ang kanilang abanse.
Nanguna si Tyler Herro mula sa bench gamit ang 27 points sa loob ng 24 minutes sa walang humpay na opensa, na sinuportahan ni Jimmy Butler ng 21 points at si Bam Adebayo na may 20 puntos at 13 rebounds.
Naging epektibo rin ang depensa ng Miami upang limitahan ang two-time MVP na si Giannis Antetokounmpo sa 15 points, habang sina Grayson Allen ay may 14 at ang Olympic gold medalist na si Khris Middleton ay nag-ambag ng 10 points.
Minalas pa ang Bucks dahil hindi nakalaro dahil sa injuries sina Jrue Holiday (right heel), Brook Lopez (back) at Bobby Portis (left hamstring) na siyang sinamantala ng init ng Heat.
Kung maalala sa opening game nitong nakalipas na araw ay tinalo naman ng Bucks ang Brooklyn Nets.
Ang bagong miyembro ng Miami na si P.J. Tucker na dati ring nasa Bucks ay nagtapos sa eight points at six rebounds, habang ang nag-debut din sa team na si Kyle Lowry ay umeksena sa five points at six assists.
Kung maalala noong huling NBA playoffs mabilis na nadispatsa ng Milwaukee ang Heat sa 4-0 first-round sweep.
Kaya naman sa muling paghaharap kanina ng dalawang team ay gigil ang mga players ng Miami matapos mapahiya sa kamay ng Bucks noong nakaraang season.