Muling nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na muling pagtibayin ang defense alliance sa pagitan ng dalawang bansa na layuning mas mapaigting pa ang pagtataguyod sa kapayapaan at seguridad sa buong Indo-Pacific region.
Ito ay matapos ang isinagawang phonecall meeting nina Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at United States Secretary of Defense Lloyd Austin III ilang araw matapos ang pinakahuling insidente ng pangbubully ng China coast guard sa mga barko ng Pilipinas sa Ayungin shoal at Bajo de Masinloc shoal.
Sa naturang pagpupulong ay kapwa nagpahayag ng mariing pagkondena ang dalawang defense secretary sa mga llegal na aksyon na ito ng China sa West Philippine Sea kasabay ng pagbibigay-diin ni Sec. Teodoro sa sovereign rights ng ating bansa sa naturang teritoryo partikular na pagdating sa pagtugon sa mga security concerns dito sa pamamagitan ng capability build-up at pagpapatuloy sa pagsasagawa ng rotation and reprovisioning mission sa lugar.
Sa panig naman ng Estados Unidos ay pinuri ng Sec. Austin ang propesyunalismo ng AFP sa pagtugon sa naturang mga suliranin kasabay din ng pagbibigay-diin sa ironclad commitment ng Amerika sa Mutual Defense Treaty nito sa ating bansa.
Matatandaan na nitong buwan ng Nobyembre lamang ay nakipagpulong din si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa US Indo-Pacific Command kung saan natalakay naman ang iba’t-ibang mga kooperasyon sa pagitan ng mga kasundaluhan ng Pilipinas at Estados Unidos kabilang na rin ang pagsasagawa ng mga bilateral at multilateral maritime activities, at marami pang iba.