May sapat na defense assets ang militar ng Pilipinas sa pagharap ng posibleng sigalot.
Ito ang tiniyak ni Navy spokesperson Rear Admiral Roy Vincent Trinidad kasunod ng panibagong harassment ng China sa West Philippine Sea kung saan nagsagawa ito ng mapanganib na maniobra at drop flares sa daanan ng sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force habang nagpapatroliya sa may Panatag shoal noong Agosto 10 na naglagay ng buhay ng Filipino personnel sa panganib.
Binigyang diin pa ng opisyal na ang pinakamahalaga sa pagtugon sa ganitong sitwasyon ay hindi ang tapatan ng air assets o sea assets kundi ang kaloobang lumaban at gampanan ang kanilang mandato sa kabila ng lahat ng mga hamong ito.
Tugon din ito ng Navy official nang matanong kung makakayanan ng FA-50 fighter jets ng PAF ang anumang aircraft na maaaring gamitin sa kasagsagan ng digmaan.
Samantala, nauna ng naghain ng panibagong diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas laban sa China kaugnay sa naturang provocative action ng higanteng bansa.