-- Advertisements --

Tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na agad siyang magpapabakuna kung mayruon ng vaccine na available para sa mga edad 60 years old and above.


Sa panayam kay Secretary Lorenzana kanina kaniyang sinabi na ang Sinovac vaccine na mula China ay maaari lamang iturok sa mga may edad 18 years old hanggang 59 years old.


Gugustuhin man niyang magpabakuna ay hindi ito pwede sa kaniya.


Kanina, personal na pinangunahan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana ang ceremonial vaccination sa mga sundalo sa Kampo Aguinaldo.


Nilinaw din nito na walang sundalong nagreklamo laban sa Sinovac vaccine.

Tatlong mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines ang unang tinurukan sa Camp Aguinado General.Hospital.


Kasama sa mga tinurukan ng bakuna ng Sinovac sina Lt. Col. Jacquelyn Cloma, Major Francis Andrade at Major Richard Delgado.


Hinikayat ni AFP chief of staff Lt Gen. Cirilito Sobejana ang mga sundalo na huwag matakot sa bakuna.


Kailangan umano kasi nilang magpaturok para mas mapangalagaan ang taumbayan at epektibong magampanan ang kanilang trabaho.


Ayon naman kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, target nila na makapagbakuna ng 30 Medical Health Workers sa Camp Aguinaldo.

Habang tig 30 rin ang target sa sabayang bakunahan sa ibang mga kampo sa Manila Naval Hospital, Army General Hospital at Philippine Air Force General Hospital.