Bukas umano si Defense Secretary Delfin Lorenzana na makipagdayalogo sa pamunuan ng University of Philippines (UP) kung kanilang maipaliwanag bakit may mga estudyanteng namamatay sa military encounters laban sa New People’s Army (NPA).
Ayon sa kalihim kung kanilang maipaliwanag ang dahilan bakit may mga estudyanteng nasawi sa mga military encounters laban sa NPA ay payag siyang makipag-usap sa mga ito, pero kung hindi nila kayang ipaliwanag, kalimutan na lamang nila ito.
Sinabi ni Lorenzana may hawak silang listahan ng mga estudyante ng UP na namatay sa enkwentro.
Giit ng kalihim hindi sila dapat sa ganoong paraan namatay ang mga estudyante.
Ilan lamang sa mga UP students na tinutukoy ng kalihim ay sina Josephine Anne Lapira, 21, na ni-recruit ng Gabriela at nasawi sa engkwentro sa Nasugbu, Batangas noong 2017; John Carlo Alberto, 22, ni-recruit umano ng Anakbayan at namatay sa engkwentro laban sa militar sa Luisiana, Laguna noong 2019; Christine Puche umano’y ni-recruit ng League of Filipino Students at nasawi sa Juban, Sorsogon noong 2013; Becca Del Monte, 22, umano’y ni-recruit ng Gabriela at namatay sa Lacub, Abra noong 2014.
Binigyang-diin rin ng kalihim na hindi nila pinag-iinitan ang UP bagkus nais lamang nila protektahan ang eskwelahan maging ang mga estudyante nito.