Idinepensa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang appointment ni M/Gen. Bartolome Vicente Bacarro bilang susunod na commander ng Southern Luzon Command (SOLCOM).
Ito’y matapos umapela si Congressman Rufus Rodriguez na i-recall ang appointment ni Bacarro na siyang Commandant of Cadets sa Philippine Military Academy (PMA) nang mamatay sa hazing si Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong 2019.
Ayon kay Lorenzana, “cleared” na ng Baguio City Prosecutor’s Office si Bacarro sa anumang pananagutan sa pangyayari.
Giit ng kalihim, ang mga responsable sa insidente ay nahaharap na sa mga kasong kriminal at hindi magiging patas kung hahadlangan ang pag-angat ni Bacarro para sa isang bagay na wala siyang kinalaman.
Ayon pa sa kalihim, si Bacarro ay dumaan sa mahigpit na proseso ng pagpili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Board of Generals kung saan napatunayan na karapat-dapat ito sa kanyang susunod na assignment.
Kumpiyansa naman si Lorenzana na ang kasanayan ni Bacarro sa internal security operations ay magiging malaking tulong sa tagumpay ng misyon ng AFP sa Southern Luzon.
Papalitan ni Bacarro si outgoing SOLCOM Commander Lt. Gen. Antonio Parlade na nakatakdang magretiro sa serbisyo sa darating na Hulyo 26.