-- Advertisements --

Inamin ni Defense Secretary Delfin Lorenza na hindi siya kinunsulta kaugnay sa ginawang pag-revoke sa amnestiya ni Sen. Antonio Trillanes IV.

Kinumpirma rin ng kalihim na personal siyang tinawagan ni SolGen Jose Calida noong August 16, 2018 kung saan hiniling nito ang ilang mga dokumento kaugnay sa amnesty application ng senador.

Ayon pa kay Lorenzana hindi lamang kay Trillanes ang hininging mga dokumento kundi maging sa mga kasamahan nito.

Hindi naman binanggit ni Lorenzana kung sinu sino ang mga kasama sa listahan bukod kay Trillanes.

Aniya, ibinigay nila ang request ng SolGen pero hindi nito masabi kung anong dokumento ang ibinigay ng kalihim kay Calida.

At noong August 31, 3018 naglabas na nga ng Proclamation 572 si Pangulong Rodrigo Duterte na binabawi nito ang iginawad na amnestiya sa senador ng nakaraang administrasyon.

Unang inihayag ng DND at AFP na nawawala ang dokumento o ang amnesty application ni Trillanes na naging basehan sa pag-revoke sa amnestiya nito.

No comment naman si Lorenzana sa pahayag ng Malacanang na posibleng makulong si dating Defense chief Voltaire Gazmin dahil sa usurpation of authority.

Hindi pa rin nagkakausap sina Lorenzana at Gazmin ukol sa isyu.