Itinanggi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na “show of force” ang isinagawang “fleet review at wing flyby” ng mga bagong gamit na pandigma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa karagatan ng Morong sa Bataan nitong umaga ng Miyerkules na bahagi ng pagdiriwang sa ika-85th anniversary ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Ayon kay Lorenzana, nais lamang nilang ipakita sa publiko na marami ng mga bagong kagamitang pandigma ang Pilipinas at kung saan napunta ang mga ibinabayad na buwis ng mga Pilipino.
Paglilinaw ng kalihim, ang isinagawang fleet review and flyby ay hindi ibig sabihin na nagpapahiwatig ng anumang mensahe ang Pilipinas.
Ito’y kahit masasabi na konti pa rin kumpara sa ibang mga bansa.
Giit ng kalihim nakaka-proud makita ang mga bagong gamit pandigma ng militar.
Aniya, gagawin ng pamahalaan ang lahat para magtuloy tuloy ang modernization program ng AFP.
Ang fleet review at flyby ay ang kauna-unahang pagkakataon na isinagawa ng AFP sa paggunita ng kanilang anibersaryo.
Samantala, nagpasalamat si AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay sa Pangulong Rodrigo Duterte para sa lahat ng makabagong gamit pandigma na nabili ng AFP sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Kabilang si Gapay sa nanguna sa isinagawang AFP anniversary fleet review na nagtampok sa 63 modern air and naval assets ng AFP.
Ayon kay Gen. Gapay, ang pagparada ng mga makabagong kagamitan ng AFP ay patunay ng maayos na paggastos ng buwis ng taumbayan.
Ang fleet review ay pinangunahan din nina Navy Chief Vice Admiral Giovani Carlo Bacordo, Army Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana, Air Force Chief Lt. Gen. Allen Paredes, at Phil. Marines commandant Maj. Gen. Nathaniel Casem.
Nanguna ang Philippine Navy contingent sa pagsasagawa ng passing maneuver kasama ang BRP Jose Rizal at ang isa sa dalawang pinakamalaki nilang barko ay ang BRP Davao Del Sur.
Lumahok din sa Philippine Air Force ang tatlo nilang FA-50 fighter jets at ang dalawang bagong-biling Black Hawk helicopters na nagpakitang gilas sa flyby.
Nakasakay naman sa BRP Batak, ang Simba armored personnel carrier ng Philippine Army at V-150 tank ng Philippine Marine Corps.