Inatasan na ni Executive Secretary Salvador Medialdea si Defense Sec. Delfin Lorenzana na pangunahan ang lahat ng mga relief efforts sa mga lugar na napinsala ng malakas na mga lindol sa Mindanao.
Sa pahayag ni Medialdea na tumatayo ring OIC ng Executive Department, pinasisiguro rin kay Lorenzana ang kaligtasan at seguridad ng mga mamamayang apektado ng sakuna.
Pinayuhan naman ni Medialdea ang publiko na direktang makipag-ugnayan sa Department of National Defense o sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para tiyakin ang maayos na pagsasagawa ng mga relief efforts, kabilang na ang pamimigay ng relief goods at rescue operations.
Matatandaang binulabog ng magnitude 6.6 at 6.5 na mga lindol ang ilan sa mga lugar sa Mindanao nitong Martes at Huwebes.
Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, nasa 21 na ang patay sa naturang trahedya.