Nagsagawa ng aerial inspection kahapon sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at NDRRMC executive director USec. Ricardo Jalad partikular sa mga bayan na lubhang naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.
Sa isinagawang aerial survey kita sa mga nakuhang larawan na lubhang naapektuhan ang mga bayan na malapit sa bulkan na puno ng abo.
Bagamat kalmado ang Bulkang Taal aktibo pa rin ito at patuloy na nagbubuga ng usok.
Batay sa naging monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), kanilang napansin na tumaas ang sulfur dioxide emissions ng Bulkang Taal subalit kakaunti na lamang ang naitalang volcanic earthquakes.
Sa ngayon mahina ang eruptive activity sa bunganga ng bulkan, subalit nananatili pa rin sa Alert Level 4 dahil may tendency pa rin na sumabog ang bulkan.
Dahilan na mahigpit pa rin ipinagbabawal ang pagbalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente.
Pagkatapos ng aerial inspection, pinulong ni Lorenzana si Batangas Governor Hermilando Mandanas, PDRRMC Batangas, at ang RDRRMC CALABARZON para talakayin ang nagpapatuloy na relief operations.
Binisita rin ni Lorenzana ang evacuation center sa Bauan, Batangas para personal na tignan ang kalagayan ng mga evacuees.