Naka-isolate na ngayon at sumasailalim sa 14 days quarantine si Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos magpositibo sa COVID-19 virus.
Lumabas ang RT-PCR test ng kalihim kahapon April 6, 2021.
Sa mensahe ng kalihim sa mga defense reporters, kaniyang sinabi na wala siyang sintomas na nararamdaman kaya nagpasalamat ito sa Diyos.
Pinayuhan na rin ang mga naging close contact ng kalihim na mag-isolate at sumailalim sa testing.
Muling pinaalalahanan ng kalihim ang publiko na ang banta ng COVID-19 virus ay totoo lalo na at dumarami ang mga lumalabas na variants.
Kaya’t apela nito sa lahat na makipagtulungan at sumunod sa health and safety protocols para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Inihayag din ng kalihim na magpapatuloy ang operasyon ng Department of National Defense sa pamamagitan ng skeleton workforce para tuloy pa rin ang serbisyo sa publiko.
Kahapon, nakatakda sanang magsagawa ng presscon si Lorenzana kasama ang Defense press corps pero kinansela ito dahil sa conflict of schedules.
Si Lorenzana na 72-years old ay dating military official at hayagang nagsasalita kaugnay sa ginagawang aktibidad ng China sa West Philippine Sea.
Samantala, kinumpirma ni Lorenzana na nakatakdang magsagawa muli ng maritime patrols ang AFP sa West Philippine Sea para mabatid kung umalis na o nananatili pa rin sa Julian Felipe Reef ang mga Chinese maritime militia vessels.
Tumanggi namang magkomento si Lorenzana kaugnay sa presensiya ng ilang Chinese missile boats na namataan sa Panganiban Reef.
Ang nasabing Reef ay may layong 175 nautical miles west sa Bataraza, Palawan.
Batay sa isinagawang maritime patrols ng Western Command noong March 30, nasa 200 barko ng China ang nakakalat sa West Phl Sea kung saan 44 dito namataan sa Julian Felipe Reef.
Muling binigyang-diin ng kalihim ang kaniyang panawagan sa Beijing na agad lisanin ng kanilang mga barko ang Julian Felipe Reef at sa iba pang maritime features na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.