-- Advertisements --

Gapay

Pinayuhan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si AFP chief of staff Lt. Gen. Gilbert Gapay na maging maingat sa mga pahayag nito sa media, matapos masangkot sa kontrobersiya.

Kaliwa’t kanang batikos ang natanggap ni Gapay matapos ihayag nito na nais niyang i-regulate ang paggamit ng social media sa ilalim ng Anti-Terrorism Law of 2020.

Ayon sa kalihim sinabihan niya si Gapay kung hindi ito “sure” sa kaniyang sagot ‘wag na lang itong sagutin.

Sinabi ni Lorenzana, ipinaliwanag sa kaniya ni Gapay na ang nais lamang niyang ipunto ay ang tinatawag na dark net o dark web kung saan nangyayari ang bentahan ng illegal drugs at mga armas.

Nais ni Gapay i-regulate ang platform pero hindi ang mga users.

Ginagamit ng mga terorista bilang platform para makapag recruit at maging ang pagplano ng kanilang mga terroristic activities ang dark web.

Binigyang-diin ni Sec Lorenzana na hindi dapat i-regulate ang social media dahil lumalabag ito sa freedom of speech.

Sa ngayon sinisimulan na ang pagbuo ng implementing rules and regulation (IRR) para sa anti-terrorism law.

Nangako naman si Justice Secretary Menardo Guevarra na bigyan sila ng kopya kapag tapos na ang IRR drafts.

Sinabi ng kalihim no comment muna siya hinggil sa binubuong IRR.