Nananawagan si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa China na itigil na ang incursion sa teritoryo ng bansa at agad paalisin ang nasa 220 Chinese vessels na nakaangkla ngayon sa Julian Felipe Reef dahil sa paglabag nito sa maritime rights ng Pilipinas.
Ayon sa kalihim, ang ginawa ng China ay malinaw na isang “provocative action” para i-militarize ang nasabing lugar na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at Continental Shelf (CS) ng Pilipinas kung saan ang mga Pilipino ang may karapatan sa mga resources sa ilalim ng international law at 2016 arbitral ruling.
“We call on the Chinese to stop this incursion and immediately recall these boats violating our maritime rights and encroaching into our sovereign territory. We are committed to uphold our sovereign rights over the WPS,” pahayag ni Lorenzana.
Giit ng kalihim committed ang Pilipinas na i-uphold ang sovereign rights ng bansa sa West Philippine Sea.
Sa ngayon nakikipag-ugnayan na ang DND sa Philippine Coast Guard, National Task Force for the West Philippine Sea at Department of Foreign Affairs para sa kaukulang aksiyon ukol dito at para mabigyan ng proteksiyon ang mga Pilipinong mangingisda.
Sa kabilang dako, nagpadala na ng aircraft ang Western Command para i-validate rin ang presensiya ng mga Chinese vessels sa lugar.