Hindi dapat ika-alarma ang presensiya ng mga Chinese warship sa Bajo de Masinloc.
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana batay sa naging ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na may umaaligid na mga Chinese vessels sa paligid ng Bajo de Masinloc na pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon sa kalihim, bahagi ang nasabing karatagan ng tinatawag na International Waters at malaya ang sinumang mga bansa kahit pa ang China o ang Amerika man na maglayag sa lugar.
Hindi naman aniya ito ang unang pagkakataon na may mga barko ang Tsina sa nasabing bahura dahil may insidente na aniya nuon na muntik pang magbanggaan ang mga barkong pandigma ng China at Amerika.
Kinumpirma rin ni Lorenzana na nag-alisan na nga ang mga barko ng China sa Pagasa Island subalit nilinaw nito na hindi naman aabot sa 100 tulad ng unang napabalita.
Kinausap din ng kalihim si Chinese Ambassador Zhao Jianhua at sinabi nito na normal lamang ang pag-alis ng mga barko nila dahil tapos na ang panahon ng pangingisda.
Dagdag pa ng kalihim patuloy naman ang pagpapadala ng mga barko ng Pilipinas mula sa Coast Guard at Navy para bantayan ang teritoryo ng bansa partikular sa West Philippine Sea.