Para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, matagal nang kumita at laos na umano ang mga boladas Jose Maria “Joma” Sison.
Reaksiyon ito ng kalihim sa panibagong pahayag ng CPP founder na pangungunahan ang destabalization plot para pabagsakin ang Duterte government.
Sinabi ng kalihim simula pa noong 1968 walang patid na ang ginagawang destabilisasyon ng komunistang grupo laban sa pamahalaan kung saan layon ng mga ito para maging matagumpay ang kanilang armed struggle.
Giit ni Lorenzana, lumabas na ang totoong strategy ng NPA kung saan ginagamit ng mga ito ang peace talks para makapag palakas kanilang pwersa.
Una rito, balik ang banat ni Joma sa gobyerno matapos kanselahin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa CPP-NPA-NDF.
Pagbibigay-diin pa ng kalihim, maging ang mga NPA ay hindi na rin naniniwala sa mga utos ni Sison dahil sa isinusubo aniya niya ang mga ito sa kamatayan habang siya naman ay nagpapakasarap sa The Netherlands.
Pahayag pa ni Lorenzana, isusulong ng militar ang localized peace talks ito’y bilang tugon sa “childish tantrums” ni Sison.
Samantala, ayon naman kay Philippine Army spokesperson, Lt. Col. Louie Villanueva, hindi na bago ang mga pahayag ni Sison.
Nanawagan ang militar sa publiko na huwag magpapaniwala sa mga sinasabing kasinungalingan umano ni Sison.
Tiniyak naman ng Philippine Army na nakahanda ang mga sundalo sakaling maglunsad ng mga pag-atake ang komunistang NPA.